^

PSN Opinyon

Solusyon, hindi resolusyon lang

AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche - Pilipino Star Ngayon

HINDI na mabilang ang mga note verbale o letter of protest­  na ipinadala ng Pilipinas sa China dahil sa pambubuli nito. Taun-taon halos ay nagpapadala tayo niyan. Hindi lang mangingisdang Pinoy ang hina-harrass kundi pati sarili nating coast guard na nagtatanod sa ating exclusive eco­nomic zone (EEZ) sa West Philippine Sea. Swak sa basura ni Xi Jin Ping ang mga protestang ito. Tuloy ang pambubuli as if China na ang nagmamay-ari ng buong karagatan. Nabibilad tuloy sa matinding kahihiyan ang Pilipinas porke kinakaya-kayanan ng isang malakas ng bansa.

Magpapalabas na ng resolusyon ang Senado upang kondenahin ang walang puknat na pambubuling ito ng China. Malamang, tulad ng mga taun-taong protesta natin, ang reso­lusyong ito ay tatawanan lang ng China at tuluy-tuloy ang pagpapakita nito ng pangil. Panahon pa ni yumaong President Noynoy Aquino ay nangyayari na ang mga pambubuling iyan. Sabi nga ni PNoy, wala tayong laban kahit sa “pitikan ng ilong”. At hindi naman tayo masisisi kung mabahag ang ating buntot. Napakalakas ng China at kung ikukumpara ang mga makabago at malakas nitong sandata, animo’y “tirador” lang ang sa atin.

Ang tanging nagawa ni PNoy ay dumulog sa Perma­nent Court of Arbitration na nagpalabas ng ruling na pabor­ sa Pilipinas. Pero hindi kinilala ng China ang ruling. Astig talaga! Napakaliit at napakahina ng pagturing ng China sa Pilipinas. Ayaw ding kilanlin ng China ang arbitral ruling ng Court of  Arbitration na kumikilala sa karapatan ng Pili­pinas sa inaangking teritoryo ng China. Pati nga ang nine-dash line claim ng China sa karagatan ay ibinasura ng arbitral ruling­. Solusyon ang kailangan natin at hindi resolusyon na malamang pagtawanan lang at ibasura ng naturang bansa.

Lakip din sa resolusyon ng Senado ang apela na ihinto ng China ang lahat ng mga aktibidad sa karagatang saklaw ng ating EEZ. Hindi makukuha sa pakiusapan ang astig na China. Kumbinsido ang China na ito na ang pinakamalakas­ na bansa at puwedeng gawin ang anumang naisin nito. Totoong hindi natin kaya ang China.  Panahon nang hingin ang saklolo ng ibang makatutulong sa atin tulad ng UN General Assembly (UNGA) na puwedeng sumita sa China sa mga pang-aabusong ginagawa nito. Iyan mismo ang gustong mangyari ng Senado.

Lakip sa resolusyon ng Senado ang paghingi sa tulong ng Department of Foreign Affairs sa UNGA.  Walang masama riyan. Kaya binuo ang United Nations ay para magtulungan at ito ang pinakaangkop na panahon para humingi ng tulong ang Pilipinas. Pero papayag kaya si Marcos Jr.?

Ayaw gumawa ng drastikong hakbang ni President Bongbong porke tayo ay “friend to all and enemy to no one”.  Iyan ang battle-cry niya dahil ayaw din niyang saktan ang China kahit pa kitang-kita ang pagkatig natin sa kalaban nitong United States.  Pero panahon na para mag-isip-isip. Kailangan naman na pumanig na tayo sa dapat panigan at huwag sa isang bansang halatang nanggigipit sa atin. Huwag nang mamangka sa dalawang ilog.

Isa pa, wala namang nagawang pabor sa atin ang China, meron ba? Kung mayroon man, kakapiranggot marahil at may kapalit. Mas malaki ang perwisyong nagawa at ginagawa pa nito sa mga Pilipinong mangingisda.

vuukle comment

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with